Tracklist:
Pista ng Patay
Words:
Piesta na namaaaaaaan!
Kay dami dami dami dami dami daming tao sa aming barangay.
Heto sila’t dumadayo, dumadagsa, kumukumpol, sumisiksik, abalang-abala, binibisita ang mga patay.
Hooo, ang sarap ng gising ko!
Wala pang araw dito sa Barangay Bagong Buhay
(ah, diyan lang po kami sa loob ng sementeryo nakatira),
pero maliwanag na sa king paningin
Halos nakikinita ko na
Ang kikitain buong maghapon!
Parang musika sa aking mga tainga ang
Paparating na halakhakan, hagikgikan
Tuksuhan at kantyawan
Unti-unti’ng pagbuhos ng padyak ng mga paa
Sa mga nitso’ng patung-patong-patong
Patung-patong
(makikiraan lang po, tabi-tabi po, sorry po)
Mga bisita’ng kamag-anak ng kamag-anak ng kapitbahay ng kalaro ng ka-trabaho ng katsismisan ng dating kalaguyo
Na ngayo’y sama-sama, pinag-sama,
Pinag-tagpo ng tadhana.
Hay, buhay nga naman!
Buhay na naman ang aming barangay!
May hanap-buhay na naman kami!
Magsisimula ako habang tulog pa si misis
(Naku Diyos ko, pinagod ko ata kagabi, sana di na naman kami naka-buo, haleluya amen harinawa sisbumba)
Bibisitahin ang mga nitso’ng nandiyan lang sa labas ng pinto namin at magtitirik ng kandila.
Paano ko nga naman makikita habang pinipintahan? Mahirap na, baka abutan ako ng liwanag, maaga pa naman dumarating si (Mr. Santos, kayo po pala! A e, opo, matatapos ko na po, diyan lang po kayo at makaka-asa kayong magmumukhang parang kahapon lang inilibing sa puntod na ito ang misis niyo, walang biro! Ehe, kayo na pong bahala sa tip! Pero sana po malaki, hehe.)
Pagkatapos, wawalisan ko ang paligid ng mga nitso dahil nagkalat ang tuyong dahon at tangkay at basura at upos ng yosi at patay na daga at patay na pusa at patay na
(hoy, Junior itapon mo yang plastik ng babol gam sa basurahan, konting respeto sa patay, diyan tayo kumikita, papatayin kita diyan eh!)
At habang patuloy na dumadagdag ang mga dayo sa aming lugar at lumalala ang init at tumatagaktak ang pawis ng mga batang di mapirmi, ihahanda ko ang mga paninda.
(Uh, honeybunch, kailangan mo nang gumising, diyan ako mag-di-display sa bintana ng kuwarto/kusina/kubeta natin, salamat dear.)
Ang lakas ng benta!
Kay dami’ng uhaw na kaluluwa!
(Sa malamig, sa malamig, sa malamig kayo diyan!
Kornik, mani, butung-pakwan, sago’t gulaman!
Bili na bili na, mahaba pa ang araw!
Hala sige, mga iho’t-iha,
Ate’t kuya,
Lolo’t lola!
Tatagal ka ba? Nakow, mukhang hindi na ah!
Bilisan, bago maubusan!
Nang sa inyong mahal sa buhay hindi mapa-sama!)
CHORUS:
Binubuhay kami ng Todos los Santos.
Babanatin buto’ng binaon na sa limot.
Bigyang kulay putla’t magigising sa tulog.
Binubuhay kami ng Todos los Santos.
Binubuhay kami (ng Todos los Santos)
Binubuhay kami (ng Todos los Santos)
Pagka’t…
Kay dami dami dami dami dami daming tao sa aming barangay
Heto sila’t dumadayo, dumadagsa, kumukumpol, sumisiksik, abalang-abala, binibisita ang mga patay.
Patapos na ang araw,
Pa-ubos na ang paninda,
Pauwi na ang mga bisita,
Nalalalagas isa-isa,
Sa isang taon, muli nila kami’ng maaalala.
(O bata, ginagabi ka ata. Ubos na ang sago’t gulaman namin eh, pasensya na.
Teka… Ren-Ren? Ikaw ba yan?…
Ren-Ren! Ikaw nga!
Ang dati ko’ng kalaro!
Aba, di ka nag-bago ah!
San ka ba nag-suot at di ka man lang nagparamdam?
Huli tayo’ng nagkita noong…)
(REN-REN SINGS:)
Langit, lupa, impyerno,
Im-Im-Impyerno…
(ENTER, OUR MAIN SPEAKER GUY, TALKING LIKE A KID, ALA FLASHBACK:)
Ah, hindi!
Taya ka, taya!
Hindi yan langit!
Bakit ba marunong ka pa?
Ano ba alam mo?
Itulak kita diyan eh, um! Um!
Diyan ka sa impyerno!
Diyan ka nababagay!
Um!
(SFX: FALLING)
(REN-REN SINGING:)
Saksak puso agos ang dugo
Patay, buhay,
Alis ang isa diiiiiyan…
(INTERSPERSED WITH OUR MAIN GUY STILL TALKING LIKE A KID, STILL PART OF FLASHBACK)
Alis ka diyan! Alis ka…!
(REN-REN SINGING:)
Binubuhay kami ng Todos los Santos.
Babanatin buto’ng binaon na sa limot…
(OUR MAIN GUY JOINS IN)
Bigyang kulay putla’t magigising sa tulog.
Binubuhay kami ng Todos los Santos.